Maria Elena M. Dator | Jay Israel B. De Leon
Discipline: others in creative arts and design
Layunin ng papel na ito na ipakilala ang buhay at sining ni Maestro Luisito Balandra Ac-ac (mas kilala sa tawag na “Mang Luis”), isa sa mga tinitingalang eskultor na mahigit limang dekada nang nag-aambag sa paglilinang at pagtataguyod ng sining at industriya ng pag-uukit sa bayan ng Paete, Laguna na tinaguriang “Carving Capital of the Philippines.” Sa pamamagitan ng malalimang pakikipanayam (indepth interview), siniyasat ang danas ni Mang Luis bilang isang eskultor o manlililok at tagapagtaguyod ng Pilipinong sining na tradisyonal na pag-uukit. Sa tematikong pagsusuri sa transkripsyon ng panayam, walong tema ang lumitaw. Hinati at pinagsama ng mga mananaliksik ang magkakaugnay na tema sa ilalim ng dalawang substantibo o pangunahing seksiyon. Sa unang substantibong seksiyon, “Si Mang Luis bilang Eskultor,” tinalakay ang mga sumusunod na tema: 1) tema at estilo ng kaniyang mga eskultura, 2) mga hakbang at materyales sa pag-uukit, 3) mga kinakaharap na suliranin bilang eskultor, at 4) pamana bilang mang-uukit ng Paete. Sa ikalawang substantibong seksiyon, “Si Mang Luis at ang Museo Ac-ac,” tinalakay naman ang mga sumusunod na tema: 1) pagtatatag at pamamahala ng Museo, 2) pagtangkilik sa Museo, 3) mga suliranin ng Museo, at 4) kahalagahan ng Museo. Sa dulo, binigyang-diin ng pag-aaral ang mahalagang kontribusyon ni Mang Luis sa pangangalaga at pagpapanatili ng sining ng tradisyonal na paguukit at paghuhubog ng susunod na henerasyon ng mga mang-uukit sa Paete. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng mas marami pang katulad na pananaliksik hinggil sa mga Pilipinong alagad ng sining na makapagbabahagi ng mga personal na karanasan. Ang kanilang mga salaysay ay nararapat na maitala at mapalaganap upang mabigyang-inspirasyon ang mga sumisibol na mga Pilipinong dalubsining sa iba’t ibang larangan.